Alam mo bang may bibig ang ating mga boto? Mayroon itong munting tinig na kung mamutawi kasama ng iilang kapwa-tinig ay tila ba sigwang napakalakas na siyang makasisira sa sinumang haharang sa kaniyang daraanan. Batid mo rin bang ang mga boto natin ay isang trumpetang nakabibingi lalo na kung batibot mo itong hihipan dulot ng umaalimpuyong emosyon? Sabi nga, may boses ang ating mga boto. Isa itong abstraktong bagay na sadyang binibigyang tsansang umalingawngaw. Ikaw bata, may boto ka ba? Bakit di mo pagsalitain?
Sa anuwebe na ng Mayo ang lokal at pambansang halalan. At mistulang nagkukumahog na rin ang iilan para makahabol sa itinakdang huling araw ng rehistrasyon. Paano ba kasi, mahalaga naman talaga ang makapagparehistro at makapagboto— lalo na kaming mga kabataan. Kaugnay nito, ang susunod na mga kataga ay siyang paglalahad ng mga rason kung bakit esensyal ang pagboto naming mga kabataan ngayong darating na eleksyon at sa mga susunod pang halalan. Heto at akin na ngang isasaad!
Una, 37% ng kabuuang botante sa buong bansa ay kinabibilangan ng mga kabataan (nasa edad 15-30), batay iyan sa kasalukuyang datos. Nangangahulugan lamang na malaki ang proporsyon ng mga kabataan pagdating sa partisipasyong pang-eleksyon. Kung kaya't malamang sa malamang, ganoon na lamang kahigpit ang magiging kapit ng mga politiko sa mga kabataan. Kung matatandaan noong 2008 US election, si dating pangulo Barack Obama ay pinaniniwalaang nagwagi sapagkat popular siya sa mga kabataan. Sinasabing 67% ng kanyang boto ay akumulasyon ng mga boto mula sa mga kabataang botante.
Ikalawa, kaming mga kabataan ay may kapangyarihang makapagpabago ng kahihinatnan (outcome) ng eleksyon. Ang aming impluwensiya sa social media ay hindi maikakaila. Kung mapapansin, marami sa mga politiko ang kumukuha sa mga kabataan bilang kanilang mga endorsers. Mayroon ding mga politiko na ang plataporma ay para sa mga kabataan (halimbawa ay scholarship program) nang sa gayon ay makuha nila ang loob ng mga kasibulan maging ng mga magulang nito. Dagdag pa, karamihan sa aming mga kabataan ay bihasa sa mundo ng teknolohiya at sa aming simpleng pag-post sa Facebook o di kaya'y pag-tweet sa Twitter ukol sa mga usaping pampolitika, awtomatikong nakaiimpluwensiya na kami sa iba para sa kanilang pagpapasya kung sino ang ihahalal.
Ikatlo, sa pamamagitan ng aming pakikilahok sa eleksyon nagkakaroon kaming mga kabataan ng oportunidad na mabigyang boses ang aming mga karaingan. Kung kami ay boboto, pihadong may kasiguruhan na mananalo ang mga lider na prayoridad din ang kapakanang pangkabataan. Ayon nga sa United Nations Convention on the Rights of the Child (UNCRC), "ang mga kabataan ay may karapatang maging kabahagi sa pambansang pagpapasya ukol sa mga bagay-bagay na nakakaapekto sa kanila".
Panghuli, hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na kaming mga kabataan ay nagtataglay ng mga makabagong ideya at ng mga sariwang pananaw. Ang mga may edad ay natututo rin sa aming mga bagong henerasyon. Ang lipunan ay buhay sapagkat nandiyan ang mga kabataang masugid pagdating sa mga adbokasiya, programang panliderato (leadership programs), bolunterismo, aktibismo o protesta at iba pang mga pansibikong gawain.
K. A. B. A. T. A. A. N. Salitang binubuo ng walong letra. Sila ang lipon ng mga indibidwal na higit sa normal na decibel (batayang sukat sa sidhi ng tunog) ang maaaring maidudulot kapag pinagsama ang kanilang mga boses—ang kanilang mga boto. Ngayon, ikaw bata, hindi ba't 18 anyos ka na? Bakit hindi ka na magparehistro nang sa gayo'y makapagsalita na iyang boto mo!
Comments
Post a Comment