Naituran ni Bienvinido Lumbera na parang hininga ang wika. Sa bawat sandali ng buhay natin ay nariyan ito. Palatandaan na buhay tayo at may kakayahang umugnay sa kapwa nating gumagamit din nito.
Malinaw na ang wika ay isang mahalagang kasangkapan na ginagamit upang maiparating ang mga nasasaloob na ideya at damdamin ng isang tao. Hindi lamang ito isang paraan ng pakikipag-usap niya sa kapwa kundi ginagamit din niya upang makipagkaibigan, makipagtalakayan at maibahagi ang kanyang iba’t ibang opinyon at kaisipan. Sa buong kasaysayan, maraming mga bagay, sitwasyon at pangyayari na tumutukoy sa kahalagahan ng wika sa mga tao, sa kanyang kapaligiran at higit lalo na sa kanyang bansa.
Ang wika ay hindi lamang kumakatawan sa isang tao. Ito ay hindi lamang isang sasakyan para sa pagpapahayag ng mga sariling saloobin, opinyon, mga personal na obserbasyon at halaga ng kanyang mga katangian bagkus ay isang sisidlan na siyang nagpapahayag ng mga aspeto ng isang komunidad o bansa. Ang wika ay kumakatawan din sa pangunahing pagpaparating sa iba ng panlipunang pagkakakilanlan. Sa madaling sabi, ang wika ay tumutulong na mapanatili ang mga damdamin ng kultura, sining at pagkabansa ng isang bayan.
Ang wikang Filipino, na siyang pambansang wika sa Pilipinas ay ang wikang ginagamit sa lahat ng sulok ng bansa. Ito ang nagsisilbing sinturon upang maitali ang mga mamamayan upang maging isa sila sa kanilang mga diwa, pangarap at kalsadang tinutugpa. Mahirap na isipin kung walang sariling wika na magiging daan upang magkabuklod-buklod ang mga hiwa-hiwalay na isla ng Pilipinas, maaaring magdulot ito ng mga kaguluhan at hindi pagkakaunawaan.
Tuwing buwan ng Agosto ay ipinagdidiriwang natin ang “Buwan ng Wika” sa buong Pilipinas. Ito ay hindi lamang isang selebrasyon kundi isang paalala na ang wikang Filipino ay karapat-dapat na tangkilikin ng kaniyang sariling anak. Taong 2018 nang idinaraos ang buwan ng wikang pambansa na may temang "Ang Filipino: Wika ng Saliksik". Dito binigyang diin na ang wikang Filipino ay mainam na instrumento sa mahusay na pananaliksik (research). Ang pananaliksik ay pagtuklas at pagbuo ng mga kaalamang magagamit sa pagpapabuti ng ating kalagayan na ang mithiin ay umunlad sa larangan ng ekonomiya, edukasyon, pamamahala at kalagayang panlipunan. Ang paghahatid ng detalye at kaisipang bunga ng pananaliksik ay magiging kapaki-pakinabang kapag ito ay nailahad sa wikang Filipino.
Ang wika ay oksihenong dumadaloy sa mga litid ng ating kalamnan. Kasama ng dugong bumubuhay sa ating pagkatao, ito ay hindi nararapat maibukod sa isa't isa.
Comments
Post a Comment