(Ang susunod na mga kataga ay pagpapalagay na ang may-akda ay ang presidente ng bansang Pilipinas.)
Mga boss ko, may liwanag pa rin sa gitna nitong makulimlim na Pilipinas. At ikaw yun. Ako bilang inyong naatasang lingkod ay igigiya lamang kayo tungo sa maliwanag na bukas. Ibibigay ko sa inyo ang posporo at kandila. Kayo na magsindi. Nasa kontrol mo ang pagpapailaw.
© Dreamstime.com
Ang liwanag ay nasa sa iyo mismo. Maging ARAW ka sana sa kapwa mo Pinoy. Ikaw ang bantog na natural na tanglaw ng sansinukob. Mula sa iyong pagkakasilang, kinakikitaan ka na ng potensyal upang maging liwanag sa nakararami. Agaw atensyon ka sapagkat kapaki-pakinabang ka. Tandaan mong may buhay ka—hindi isang patay para walang magagawa. Isa kang hari o di kaya ay reyna sa iyong sariling paraan. Huwag lamang darating sa puntong ikaw ay maging mapagmataas. Sapagkat ang Makapangyarihang lumikha sayo ay pihadong magagalit.
Maaari ka ding maging BITUIN na ningning ang siyang bitbit. Batid kong may takdang tyempo ka para magbigay tanglaw. Tandaan mong dapat ay lipon kayo kung kuminang. Mainam nga iyon para mas marubdob ang luningning. Kung iisipin, kabog niyo pa nga si Araw sa tuwing kayo ay umeksena. Sapagkat daig ng marami ang iisa. Gayunpaman, tandaan mong si Araw ay isa ring bituin. Gusto nga lang mapag-isa kung umarte.
Pwedi ka ring namang maging BUWAN. Ikaw ang kahalili ni Araw sa tuwing ito ay mamahinga muna. Satelayt ka ng lahat. Huwag mong hayaang takpan ka ng ulap sa oras ng iyong eksena sapagkat dilim ang siyang lilipol sa sanlibutan. Maging testigo ka sa mga nakikita mong pusikit sa oras ng iyong katungkulan sapagkat ang pananagutan ay nasa sa iyo.
Nakakikilabot ngunit pwedi ka ring maging KIDLAT. Sindakin mo ang mga masasama at mapagsamantala. Pasuin mo ng napakainit mong enerhiya yaong mga bumabaluktot ng batas at ng katotohanan. Minsan ka lang eeksena ngunit kagila-gilalas naman ang iyong dalang liwanag.
Maging ALITAPTAP ka. Pumunta ka sa mga madilim na sulok at ilawan mo sila. Akitin mo sila ng nagbabaga mong pwetan. Akayin mo ang mga kauri mo at kayo ay magsimulang humayo sa mga liblib na lugar. Sabihin niyong sugo ko kayo para matamasa ang tinatawag na "liwanag sa dilim".
Kung maaari din ay maging isa kang APOY na hindi lang liwanag ang dala bagkus init na rin. Silaban mo ang mga natutulog na diwa ng iba. Iparamdam mo sa kanila ang angkop na ningas; hindi yaong mala-impyerno.
Maaari ka rin namang maging BUMBILYA. Ipahiram mo ang iyong buong sarili sa mga taong lubos na kailangan ang iyong liwanag. Ikaw yata itong popular sa lahat ng mga artipisyal na tanglaw. Kaya ay huwag ka sanang magbago. Patuloy mong ilawan ang mga nadidiliman.
Pwedi ka rin na maging LAMPARA—ang tanglaw na sumaksi sa pagkamasigasig ng mga nauna at pinalad sa buhay. Maging instrumento ka para mapunta sa spatlayt ang mga nagsusumikap. Huwag lamang tumubo yaong panibugho at baka magkaloko-loko na. Matuto kang pumalakpak sa biktorya ng iba.
Kung nais mo, maging KANDILA ka na rin para sa iba. Madali nga lang maubos. Gayunpaman, esensyal ka pa rin dahil pamilyar ka sa madla at saka maraming pinagagamitan sa iyo. Marapat lamang na gamitin mo iyang katanyagan para ilawan ang mga nasasadlak sa dilim.
Isa kang liwanag, aking boss. Bilang pinuno ng buong alagad ng publiko, nakikita kong ikaw mismo ang may tangan ng iyong maliwanag na bukas. Higit ka pa sa inaakala mo. Itong iniirog nating Pilipinas ay masasabing nababalot ng kalabuan subalit lilinaw yan sa panahong maging tanglaw ka na para sa mayorya. Simulan mo na ngayon. Bibigyan kita nitong posporo at kandila. Ikiskis mo ang ulo ng palito. Sindihan mo ang kandila. Bigyang tanglaw mo ang humigit kumulang 113 milyong Pilipino na para bang dilim na dilim na sa bansa. Pag nagawa mo iyan, gantimpala ay nandirito na nakahanda.

Comments
Post a Comment