Ang hirap talaga maglaba sa social media! Paano ba kasi sandamakmak ang maiingkwentro mong labahin. Hindi mo na maperpek ang paghihiwalay ng puti sa dekolor. Minsan pa, hindi mo na alintana na dapat ay time out muna subalit andyan ka pa rin babad sa paglalaba. Minsan naeenjoy mo naman; minsan masama rin pala sa katawan. Ang iba na tinatamad, shumoshortkat; kaya ayon may amoy ang nilabhan. Ang iba sadyang nagtitiyaga para iwas sermon ni Nanay. Meron naman na nalilibang sa paglalagay ng mamahaling fabcon para malawak ang abot ng halimuyak ng kanyang damit. Yung damit na dati'y may mantsa— tanggal at naging malinis basta mayroon lang mabisang removing agent. Yung iba pa nga tumutulong sa pagsasampay ng damit na "iyon". Ang mga dumadaan nama'y mangha at naaakit.
© Pngtree
May ibat ibang klase ang mga naglalaba sa social media. Ngunit paano ba talaga ang makatwirang paglalaba?
Una, dapat ay mautak ka. Kung alam mong Sierra Madre na mga labahin ang iyong maiingkwentro, dapat ay handa ka—mental at pisikal. Planuhing mabuti. Huwag magpakalunod sa paglalaba. Iakma ang labahin sa iyong oras at katawan.
Pangalawa, nararapat na alalahanin pa rin ang paghihiwalay ng mga dekolor sa mga puting labahin. Mainam na hindi magsama ang dalawa sapagkat talagang hindi nakatutuwa ang magaganap kung sakali.
Pangatlo, maging mabusisi sa gagamiting sabon, fabcon o di kaya'y bleaching agent. Sa pagbili sa tyangge huwag agad maniwala kesyo sasabihin ni Aleng nagtitinda na iyang produkto ay epektibo talaga kaysa sa isa. Uso kasi ngayon ang budol. Huwag agad kumagat. Wais lang palagi.
Pang-apat, pangunahan ang sarili na ang makatwirang paglalaba katumbas ay matiwasay na pagsasampay, pamamalantsa at pagsusuot. Kung tamang kuskos, hindi ka mahihiya sa susuotin. Kung sa madaliang kuskos, may pag-aalinlangan pa.
Panglima, kung talagang hindi matatanggal ang mantsa huwag nang tangkaing tanggalin lalo pa at kung alam mong ito'y nakapapagod at hindi naman dapat pag-aksayahan ng panahon. Maling pilitin na palabasing malinis ito kung puno naman ng dagtang makapit at hindi natatanggal.
Pang-anim, huwag masaktan kapag hindi kontento si mudra sa iyong paglalaba. Baka naman kasi may nakikita siyang hindi angkop sa iyong ginagawa. Isipin mong baka nga mas maalam sila sa ganoong bagay. Maging bukas lang sa mga suhestiyon, payo at makatwirang husga.
Pangpito, di porke bihasa ka na sa paglalaba ay hindi na sasakit ang likod mo. Normal lang 'yan. Huwag pakampante sapagkat ang paglalaba ay talagang may side effects. Kung hindi ka sa likod aatakehin, baka sa ngalay naman.
Pangwalo, sa tamang lugar ka dapat magsasampay. May mga damit na dapat direkta sa araw kung isampay; meron namang dapat sa lilim. Matuto kang umangkop sa lugar, sa panahon at sa sitwasyon—sa tuwing ika'y sasabit ng iyong mga nilabhan. Hindi sa lahat ng oras nasa tamang lambitin ang iyong underwear.
Panghuli, ang paglalaba ay metikuloso. Kung di mo bet, kawawa ka. Lahat na yata ay naglalaba liban sa mga walang muwang. Kanya-kanyang diskarte. May malinis, may maruming laro sa paglalaba. Pero doon ka dapat sa makatwiran. Kung dati'y sa sapa o batis lang naglalaba; ngayo'y nasa social media na. Dala ito ng pagbabago. Kung ano-ano na ang mga pinaggagawa natin sa buhay. Gayunpaman, may kanya-kanya naman tayong manibela.

Comments
Post a Comment