Oo nga, mahal mo nga ang Panginoon, ngunit gaano at paano?
Kapatid, heto na naman ako. Nakaupo rito sa isang sulok at nagninilay-nilay. Laman ngayon ng aking pag-iisip kung paano nga ba natin masasabi o di kaya'y masusukat ang sinseridad ng pagmamahal natin sa Maykapal? Sapat na ba ang pagsisimba linggo-linggo o ang pagrorosaryo ni Donya Elena para masabing minamahal nga niya ang Diyos, gayong minamaltrato niya naman ang kaniyang mga kasambahay? Tama ba na sa likod ng napakabanal na sermon ni Padre ay ang mga malademonyong akto niya gaya ng pag-iinom ng alak, paninigarilyo, pambabae, pagsusugal at kung ano-ano pa?
Nakasaad sa Bagong Tipan, sa Lukas 10:27 na, "Sumagot ang lalaki, 'Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, at nang buong kaluluwa, at nang buong lakas, at nang buong pag-iisip mo; at mahalin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.” Ang dalawang kautusang ito ay paalala lamang na hindi basta-basta ang pagsasabi na mahal natin ang Panginoon. Hindi rin akmang sasabihin na pihadong ililigtas ako ng Poon sapagkat nag-oorasyon naman ako gabi-gabi. Oo nga at nakikita ka ng iilan bilang relihiyosong tao, ang tanong ngayon, "Tunay ba iyang ipinapakita mo?"
Sabi nga sa Santiago 2:17-22, "Ang pananampalatayang walang gawa ay patay". Ibig sabihin, mababalewala ang pagmememorya mo ng mga panalangin kong hindi mo naman ito isinasabuhay. Gaya ng nabanggit na Donya, makadiyos nga siya subalit hindi naman makatao. Mahal nga niya ang Panginoon pero hindi ang kapwa. Kung talagang iniibig mo ang Diyos ay dapat lamang na ibigin mo rin ang iyong kapwa. Hindi buo ang pananampalataya kung may isang mahalagang parte nito ang nababalewala.
Ngayong nasa binggit tayo ng masalimuot na panahon at sadyang nangangailangan ng ating masidhing pananampalataya sa Diyos, ating isaalang-alang na iniibig natin ang Panginoon ng buong: PUSO—hindi ba't ang puso natin ang responsible sa ating mga emosyon? Kung gayon bakit parang wala ka namang puso para daan-daanan lamang ang mga pulubing namamalimos sa daan? Ni piso, hindi mo ba kayang maibigay? KALULUWA—ang kaluluwa ay ang ispiritwal na bahagi ng tao na pinaniniwalaang nagbibigay-buhay sa isang tao. Kung gayon, bakit mo pina-abort ang supling na bunga ng hindi kanais-nais na kahapon? Hindi mo ba kayang panagutan iyon at hindi mo man lang hinayaang masilayan ng bata ang alindog ng mundo? LAKAS—kaya mong buhatin ang higit 50 kilong bigas dahil sa lakas na ibinigay ng Poong Makapangyarihan. Kung gayon, nararapat lamang na makakaya mo ring buhatin ang mga suliraning kinakaharap mo ngayon. Tandaan, walang problemang ibinigay ang Diyos na batid niyang hindi natin kakayanin. Ika nga "Problems just come and go", kaya kapatid huwag ka namang mag-isip magpatiwakal, please! PAG-IISIP—rasyonal tayong nilalang at tayo ang pinili ng Diyos na bigyan niyan (hindi ang hayop, hindi ang halaman), kung kaya gamitin naman sana natin ang ating biyayang pag-iisip sa wasto't makatwirang paraan. Hindi yaong nagiging "makasarili" tayo dahil sariling kapakanan lamang ang iniisip natin.
Maraming paraan ang ating magagawa upang maipakita ang tunay na pag-irog sa Panginoon. Maliban sa mga nabanggit, sabi rin "Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili". Totoo ito sapagkat ang ating kapwa ang repleksyon ng ating mga sarili. Hindi ba't may mga mata at kamay rin ang ating kapwa gaya ng atin? May puso at utak rin sila gaya ng atin? Kasi nga pareho tayong tao at ang mga pangangailangan mo'y pangangailangan rin nila. Pareho tayong nabubuhay sa tubig, pagkain, hangin at ispiritwal na elemento. Kung mayroon kang kakayanang punan ang iyong sariling pangangailangan at may panahong sumusobra, bakit hindi mo ibigay sa iba yaong labis? Nang sa gayo'y bibigyan ka rin nila kapag sila naman ang may labis. Ngayong pandemya, huwag naman sanang maging madamot. Marami sa ating kababayan ang nagdaraing—walang maihain sa hapagkainan dahil nawalan ng trabaho, nag-oonline selling na lang para mairaos ang mga napakabigat na araw, at minsan pa sa ayuda na lang umaasa. Batid mo ba ang mga iyon? Kung hindi, siguro'y hindi mo ramdam at wala kang pagmamalasakit sapagkat nakakaangat ka naman at wala kang planong magbahagi ng iyong biyaya. Mali iyan kapatid! Ibigin mo sana ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili nang sa gayo'y awtomatikong alam ng Diyos na iniibig mo siya kahit hindi mo pa sabihin. Makapangyarihan ang Diyos. Batid niya ang pagkadalisay ng ating mga puso. Alam niya kung taos puso ang iyong pagtulong sa kapwa. Kung kaya kapatid, huwag ka na lang magbigay kong pagbabalat-kayo lamang iyan at hindi bukal sa iyong kalooban. Dakilang hukom ang Panginoon natin, tandaan mo iyan!
Comments
Post a Comment