Kamakailan lamang ay naging maugong ang isyu sa pagtatanggal ng asignaturang Filipino sa kolehiyo. Marami ang kumontra at may iilan din namang pumanig. Nauwi ang isyu sa mga bangayan, kritisismo, pagkondena at mariing usapin sa midya lalo pa at idinidikit ang isyu sa diwa ng pagkaPilipino. Subalit kung ako ang tatanungin, tutol ako sa naturang pagtatanggal ng asignaturang Filipino sa kolehiyo. Kung bakit?
Una, ang nasabing pag-alis sa asignatura ay maaaring mauwi sa panibagong adjustment para sa mga mag-aaral. Panibago na namang problema. Oo nga't mababawasan ang gastusin ng mga mag-aaral, pero sapat na ba itong dahilan? Isa pa, napakahalaga pa rin ang asignaturang Filipino lalo pa't kahit mga " basic" ay hindi pa rin makuha- kuha ng isang Pilipino. Ayon kay Ryan Niel Angeles David, isang guro sa Filipino, ay marami pa rin ang nagugulo sa paggamit ng rin at din, kung kailan gagamitin ang "ng" at "nang", ang kaibahan ng walisin at walisan, ang pinto at pintuan. Marami pa rin aniya, at pati na rin siya ay nahihirapan unawain ang mga kayganda ngunit kaylalim na mga tula.
Pangalawa, ang pagtanggal sa asignaturang Filipino ay magdudulot ng malaking epekto sa mga guro. Batay nga sa isinagawang sarbey ng Tanggol Wika, mahigit 10,000 na mga guro ang maaaring mawalan ng trabaho dulot nito.
Pangatlo, ang pagtanggal ng asignaturang Filipino ay isang ganap na pagkalimot sa kinagisnang wika. Nanganganib na bumaba ang kalidad ng wikang pambansa kapag inalis ang asignaturang Filipino sa mas mataas na antas ng edukasyon. Ayon kay David Michael San Juan, propesor sa departamento ng Filipino sa De La Salle University, ay bata pa umano ang wikang pambansa at hindi pa ito ganap na intelektwalisado o nagagamit sa ibat ibang larangan. Dagdag niya, upang maging ganap ang intelektwalisasyon nito, nararapat lamang na pagbutihin at palawakin ang pagtuturo nito sa lahat ng antas, lalo na sa kolehiyo.
Panghuli, sabihin mang naka-inject na daw sa atin yung pagiging Pilipino; sa puso , isip at diwa, subalit kailangan pa rin natin ang patronismo ng wikang pambansa. Mismong ang Philippine Society of Young Educators of Languages and Arts bilang pambansang organisasyon pangwika at pansining ay matatag na nanindigan na dapat panatilihin ang Filipino at Panitikan bilang mga asignatura sa kolehiyo. Mariin ding tinutulan ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) ang naging pasya ng Korte Suprema ukol dito.
Bilang mag-aaral na may diwang nasyonalismo, nalulungkot din ako sa naging desisyon ng nakatataas. Tunay nga ang naging saad ni Heneral Luna na ang Pilipino ang siyang papatay sa kapwa niya Pilipino. Marahil hindi sa pisikal na paraan, pero sa dangal at panloob ang kasiraan. Unti-unti na nating pinapatay ang tatak natin bilang Pilipino. Gayunpaman, nasa sa atin pa rin ang pagkilos kung paano kupkupin ang diwang makaPilipino.
Comments
Post a Comment