Nasa Pilipinas ang pamanang pagmamay-ari ng lahat—ng buong sambayanang Pilipino. Hindi ito bultong pera at mas lalong hindi ektaryang lupa na animo’y pag-aagawan ng lahat. Bagkus, isa itong pamana, na ang iba pa nga, ay tila walang paki rito, kinaliligtaan, at para bang hindi batid na may bahagi sila sa pamanang ito.
Ang pamanang aking tinutukoy ay pandikit ng ating nag-iisang diwa. Maituturing DNA na nagsasabing, “ay, ito tayo!”. Pamana na siyang nagpapahiwatig sa kung ano't paano ang buhay ng mga nauna sa atin. Pamana na mayroong koneksyon sa kasalukuyan at sa’ting hinaharap.
Makulay ang pamanang Pinoy. Produkto ng pawis maging dunong ng ating mga ninuno't bayani. Ito'y pinaghalong impluwensiya ng mga nagpasailalim sa atin: Kastila, Amerikano at Hapones; maging ng mga karatig-nasyon gaya ng Tsina, Malay, at Indonesia. Kung ating lalakbayin ang 7,641 na mga isla, pihadong hindi kakasya ang isang buong papel para itala ang iba’t ibang pamana na matatagpuan sa ating bansa—ito man ay masasalat (tangible) at hindi masasalat (intangible).
Marahil una sa listahan ang popular sa lahat, ang Banaue Rice Terraces ng Ifugao na kasama sa anim na mga itinalaga ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) bilang World Heritage Sites in the Philippines. Marami pang mga pamana ng bansa ang nararapat alam ninuman. Kabilang dito ang mga: bahay-kubo; Barong Tagalog at Baro’t Saya; Cariñosa't Tinikling; Sarimanok; bayanihan; Ibong Adarna, Florante at Laura, Noli Me Tangere at El Filibusterismo; mitolohiyang Pinoy gaya ng aswang, tikbalang, manananggal atbp; baybayin; Kristiyanismo; mga pagkain tulad ng adobo, lechon, halo-halo’t pandesal; mga inumin gaya ng tuba’t lambanog; laro ng lahi kabilang ang tumbang preso, luksong-tinik, patintero atbp; mga kaugalian gaya ng pagpapatuli, pagdulog sa albularyo o manghihilot, pagmamano, pagsasabi ng “po” at “opo”; at marami pang iba.
Kung ating lilimiin, mayorya sa mga pamanang nabanggit ang patuloy sa pananatili. Marahil ay dahil sa mga hakbang ng mga tao o organisasyong may maalab na nasyonalismo. Nariyan ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA), The National Museum of the Philippines, Filipino Heritage Festival Inc. at ang Heritage Conservation Society—na nangunguna sa pangangalaga, pagpapakilala at pagtataguyod ng ating mga pamana. Ito’y sa paraang pagsasagawa ng mga programa o aktibidades na may kinalaman sa ating pamana—hindi lamang tuwing buwan ng Mayo kundi sa pang-araw-araw.
Sa kasalukuyan, teknolohiya ang “kakampi” maging “kalaban” ng ating mga pamana. Kakampi sapagkat daan ang teknolohiya para maipabatid sa madla ang mga pamana sa pamamagitan ng social media platforms o virtual tours. Kalaban naman sapagkat mas maalam pa sa ML o K-dramas ang mga kabataan kaysa sa buong pangalan ng ating pambansang bayani. Malamlam isipin subalit totoo. Ngunit, nakatitiyak akong hindi naman hahantong sa lubusang paglaho ang mga pamana.
Edukasyon ang susi. Sa paaralan matutunan, mailalapat at mapahahalagahan ang ating mga pamana. Guro ang gabay sa paggalugad ng mga kabataan sa kung anong mayroon tayo. Maaaring iturok sa kurikulum at mga asignatura ang mga aralin patungkol sa pamana. Mananatiling buhay ang pamana hanggat nakaukit ito—hindi man sa tabla, bato o aklat, kundi sa puso’t isip ninuman.
.png)
Comments
Post a Comment